Isang Pagbabalik Tanaw (Part II)
Ang mga “Karakter “ ng aking Kabataan.
Nasa gitna ng dalawang magka sangang kalsada nakatirik ang aming bahay. Disenyo ng circa sisenta ang aming bahay. May malalaking mga bintana, maluwang na tanggapan ng mga bisita, malaking kusina at isang malaking kuarto sa itaas ng bahay. Ang mga kahoy ng pinto, bintana, at hagdan ay gawa sa kahoy ng narra. Malaki ang bahay na yon para sa aming tatlo ng aking mga magulang. May sari-sari store ang aking ina sa ibaba ng aming bahay. Duon lagi akong nakakanlong sa aking ina habang sinasalat nya ang aking anit sa paghahanap ng mga lisa dulot ng sobrang pagbababad sa ilalim ng araw kasama ang aking mga kalaro. Kaya naman halos lahat ng mga taong pumaroon sa aming tindahan ay kilala ko na at sila ang nagging mga “karakter” sa aking kabataan. Sa aming lugar mapa- kamag anak o hindi ang itinurong panggalang sa akin ng aking mga magulang sa mga kaibigan o kamag anak nila ay tawagin kong Chang o Chong.
Cha Pacita- Pinsang buo sya ng aking ama at matalik na kaibigan naman ng aking ina. Tuwing hapon pag uwi ko galing eskwela ay sya ang nadadatnan kong kausap ng aking ina. Mapungay ang kanyang mga mata at maalon ang kanyang buhok. Nagbebenta sya ng damit at alahas sa aking ina at pareho nilang inililihim yun sa aking ama dahil may kahigpitan ang aking ama pagdating sa pera. Kaya nakakabili ng gusto nyang damit o alahas ang aking ina na di nababatid ng aking ama. Hindi nakakapanood man lang ng sine ang aking ina kung hindi ang aking ama o ang Cha Pacita ang kanyang kasama. Kaya naman lubhang nalungkot ang aking ina ng pumunta ng amerika ang Cha Pacita pero kahit ganon patuloy pa din ang kanilang komunikayson ng mga panahon na yun sa pamamgitan ng sulat. Pero di nagtagal pumanaw ang Cha Pacita sa amerika , mga ilang araw din ang lumipas bago sya naiuwi sa aming bayan. Isa syang tunay, tapat at may malasakit na kaibigan sa aking ina. Na magpa- hanggang ngayon nakikita ko ang mga gawi at aral na natutunan ng aking ina sa kanya.
Cha Memeng- Kapitbahay namin at kaibigan ng aking ama. Tuwing umaga nakikita ko syang patawid sa aming bahay upang kumubra ng jueteng. Araw-araw ang pagkubra nya ng jueteng sa aming lugar. Pusturyosa ang Cha Memeng, laging naka brush up ang kanyang buhok, nakaguhit ang kanyang kilay, mapula ang mga pisngi at bibig dala ng mga kulorete. Matandang dalaga ang Cha Memeng at Masaya sya sa piling ng kanyang mga pamangkin. Lagi nyang ka kwentuhan ang aking ama sa umaga na nakatalungko sa tarangkahan ng aming bahay. Sabi nya ang jueteng lang daw ang nagpapalakas sa kanya dahil may kakaiba daw yatang gayuma ang pangungubra ng jueteng sa aming lugar. Natatandaan ko pa na bago pa nya kubrahin ang bayad sa pagtaya ng jueteng ng aking ama sa kanya eh nakasulat na agad sa kanyang papel ang numerong tatayaan ng aking ama.
Aling Arang- Sabi nga sa kasabihan, matandang tinale na sa aming lugar. Labandera sya ng aking ama mula pagkabinata at hanggang makapag asawa ang aking ama. Sa aming lugar kilala sya bilang batikang “tsismosa” . Sya ang otoridad pag dating sa bulung-bulungan sa mga buhay buhay ng mga tao sa aming lugar. Bago sya sumabak sa paglalaba, mauupo muna sya sa bangko sa tapat ng aming tarangkahan bitbit ang kanyang supot, bandana sabay pusod ng kanyang buhok at animo nag nganga ang kanyang bibig sa pagsasalita ng mga kuentong kanyang nasagap sa daan papunta sa aming bahay. Habang nagbibida ay isinusuot nya ang kanyang paldang panlaba sa labas ng kanyang suot na saya. Minsan pagkatapos nya maglaba nakita ng aking ama ang dala nyang supot na puno ng asukal at bigas na inumit nya sa aming kusina makatapos maglaba. Kaya mula nuon pinagbawalan sya ng aking ama na magdala ng supot sa tuwing may sesyon sya ng labahin sa aming bahay.
Aling Upeng- Katapat bahay namin na plantsadora ng aking ama. Sya lang ang taong pinagkatiwalaan yata ng aking ama na mamalantsa ng kanyang polo nung sya ay nagtatrabaho sa “Aguinaldo” (Ang Aguinaldo ay isang department store sa Avenida nuong araw at ngayon ay Plaza Fair na) bilang supervisor. Metikuloso ang aking ama pagdating sa pamamalantsa ng polong isusuot nya at si Aling Upeng lang yata ang tumagal na magsilbing plantsadora nya. Mahusay mamalantsa si Aling Upeng, walang gusot at unat na unat ang mga damit, ang mga kumot at punda ay naka almirol, ang mga damit ay maayos na nakatiklop. Kung may dalubhasa man sa larangan ng pamamlantsa ay baka isa sya duon.
Mang Kanor- Barbero sya sa aming lugar. Malaking lalaki, laging naka pomada ang kanyang buhok, at naglalangis ang mukha. Isa din syang magsasaka sa bukid sa likod ng aming bahay. Maliit na bata pa lang ako si Mang Kanor na ang nakamulatan kong tiga gupit naming mag ama. Halos isang oras yata akong nakayuko sa tuwing ginugupitan nya sa sobrang sinsin ng kanyang pag gupit. Nuong araw ang tawag sa kanyang gupit ay “high cut” 3 by 4 ika nga. Three inches ang taas ng gupit sa magkabilang gilid, at four inches sa likod. Minsan sa pag gugupit nya sa akin ay nagupit nya ang itaas ng tenga ko marahil sanhi na din ng kanyang katandaan, at sinabi na lang nya na wag ko na masabi sa aking ama at tiyak na mapapagalitan sya. Sya din ang otoridad sa mga batang tutuliin sa aming lugar. (mapalad na lang ako at di ako sa kanya ipinatuli ng tatay ko, kundi sa duktor). Duon sa bukid sa may likod ng aming bahay ay may malaking puno ng akasya at duon nagaganap ang pagtutuli. Duon mo maririnig ang hiyawan ng iyak ng mga batang tinutuli ni Mang Kanor, nguya nguya ang dahon ng bayabas sabay buga sa sugat nila dala ng pagtuli.
Mang Kabog- Kung may nasirang telebisyon, radyo, atbpng gamit sa bahay, si Mang Kabog ang bahala dyan. Mataas na lalaki si Mang Kabog, payat na animo ay may sakit sa baga, humpak ang mukha at laging may busal na sigarilyo sa bibig. Nuong araw ang mga parte ng TV ay mga “tube” pa kung tawagin. Yung mga TV na may bahay na animo baul. Madalas ipagawa ng aking ama ang aming TV kay Mang Kabog dahil malimit itong tamaan ng kidlat. Laging sagot ni Mang Kabog sa aking ama kapag ginagawa nya ang aming TV ay “easy lang ito”, sabay buga ng usok ng sigarilyo. Maya maya lang nag tatao na ang TV na akala mo maayos na. Agad naman na inuuwi ng aking ama ang TV sa pag aakala nya na maayos na at mapapanooran na. Subalit pag ito’y kanyang binuksan kalahati lang ang makikita mo sa screen, sa sobrang buwisit ng aking ama kanyang napupukpok ang ibabaw ng aming TV at presto biglang nagtatao ang TV. Marami nang pagkakataon na ganuon ang nangyayari sa mga nagawang TV ni Mang Kabog, kung kaya pala sya ay binansagang Mang Kabog, kasi kailangan mo munang kabugin ang TV’ng pinagawa mo sa kanya. Hanggang ngayon hindi ko pa rin alam ang tunay na pangalan ni Mang Kabog.
Cha Mere- Kung lugaw, tokwa’t baboy, walang tatalo sa luto ng Cha Mere! May tindahan sya ng lugawan sa tapat ng aming bahay. Mabili ang kanyang lugawan, sa kanya ang daungan ng mga taong tamad magluto ng almusal sa aming lugar. Marahil dala na din ng palagi syang nakatawa, at maasikaso sa mga kostumer nya. Mistulan syang lola ng mga batang katulad ko nung panahon na yun. Hinihimas pa nya ang aming mga batok habang kami’y kumakain ng masarap nyang lugaw. Sa aming lugar hindi ka masasabing tagaroon kung hindi mo kilala ang Cha Mere at minsang nakalasap ng ubod ng sarap nyang lugaw.
Ilan lang sila sa mga nagbigay kulay sa aking kabataan. Saan man sila naroroon ngayon, alam kong minsan isang panahon napasaya nila ang aking kabataan at naging instrumento sila na makita ko ang isang simple ngunit nag uumapaw na kasayahan at kahulugan ng buhay. Bigyan man ako ng isa pang pagkakataon na baguhin ang aking palad, nanaisin kong di sila mawaglit sa aking paglalakbay. Walang kasing sarap ang buhay nuon kapiling ang mga “karakter” ng aking kabataan. Isa sila sa mga dahilan kung bakit masarap sariwain ang saya ng kahapong lumipas.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment