Sa mga pagkakataong nalulunod ako sa pagka dismaya sa kasalukuyan at sa hinaharap nasisiyahan akong bumalik sa kahapong ubod ng sarap. Sa buhay ko maituturing kong “golden years” and panahong yaon. Lumaki ako sa isang bayan na tahimik at tradisyonal; maging sa loob ng aming pamilya. Lumaki akong maraming batang kalaro kaya hindi ako lumaking malungkot kahit nag iisa akong anak ng aking mga magulang. Kung maaari nga lang balikan ang mga panahong iyon ay maya’t maya kong susulyapan ang mga lugar at mga taong nakasalamuha ng aking kabataan, kung saan doon ko matatagpuan ang kapanatagan at kasiyahan. Di ko man mababalikan sa pisikal na anyo ang panahong iyon, maaari ko naman syang balikan anumang oras at panahon na gustuhin at saloobin ko katulad ngayon. Sa paglipas ng madaming taon hindi nawawagalit sa isipan ko ang mga “karakter” sa aking kabataan, mga lugar, at masasayang pagkakataon sa bayan kung saan ako nagkaisip, hinubog at pinatatag ng panahon.
Sa aking Ama
Mula unang araw ko sa eskwela bitbit na ng aking ama ang aking bag, ang aking baong pagkain, at yung lalagyan ko ng gatas. Hila hila ng aking ama ang aking stroller (Stroller ang tawag dati dun sa lalagyan ng bag), nakasakbit sa kanyang balikat ang lalagyan ko ng gatas, at bitbit nya ang aking baunan ng pagkain (Stain less na bilog na patong-patong na may clamp sa magkabilang dulo). Binabantayan nya ako sa eskwelan hanggang matapos ang aming aralin. Kasabay ko syang natututo sa mga kanta at tula na (kaya naman pag uwi namin galing sa eskwela kinakantyawan ng mga kaibigan nya ang aking ama kung ano daw ba ang natutunan nya nung araw na yon) itinuturo sa amin ni Mrs. Resurrecion. Laging naka pusod ang buhok ni Mrs. Resurrecion na parang si Imelda Marcos, bilog ang mukha, matangos ang ilong at may dimples sa magkabilang pisngi. Mabait syang guro, lagi nya kaming niyayakap at palaging nakangiti. May mga pagkakataong isinasama nya kami sa kanyang bahay para maglaro. Ngunit bago pa man kami sumapit ng Grade One hindi na namin sya nakita dahil pumanaw sya sanhi ng panganganak.
May isang pagkakataon noong ako ay nasa Grade Three na inilaban ako sa isang pagsusulit at kinakailangan ko ng lakas ng loob (marahil dahil na din sa sobrang istrikto ng aking guro), isang mukha lang ang kailangan kong makita at siguradong papayapa ang aking kalooban at yun ay ang aking ama. Nasungkit ko naman ang First Place marahil dahil sa takot na din sa aking guro na si Ms. Pena. Naputol ang isa nyang paa dahil sa sakit na diabetes. Kung kaya’t kinailangan nyang gumamit ng saklay. Pero hindi iyon naging hadlang para maging isang magaling na guro. At isang magaling na choreographer! Sa isang paligsahan ng sayaw nuong field day sa aming eskwelahan, nanalo kami ng First Place sa sayaw na itinuro sa amin ni Ms. Pena. Isa syang ubod ng sungit na guro at nuong mga panahon na yon nangyayari pa ang pananakit sa mga estudyante. Kadalasan sa kanyang pagtuturo sa amin ay nambabato sya ng eraser at nanghahampas ng saklay kapag kami ay mga kabisote at magugulo sa klase. Pero sa kabila ng lahat ng iyon labis kaming natuto sa lahat ng aralin, itinuro nya sa amin na magsikap mag aral at ikintal sa aming pag iisip ang halaga ng edukasyon sa isang tao. (at maging sa pagsulat ng maganda (good penmanship) sa aming mga kwaderno). Sila ang dalawa sa mga naging guro ko sa elementarya ang lubos na tumatak sa akin. Si Mrs. Resurrecion ang nagpamalas sa akin kung paano ang magmahal at mahalin ng pantay pantay sa kanyang paningin. Si Ms. Pena ipinakita nya na walang pwedeng maging hadlang sa lahat ng iyong mga pangarap at matapang dapat na harapin ang hilahil ng buhay. Lumipas pa ang maraming taon subalit dala dala ko ang mga aral na naiwan nina Mrs. Resurrecion at Ms. Pena. Mahirap man tanggapin na nakatapos ako ng kolehiyo subalit bago pa man sumapit ang araw ng pagtatapos namayapa ang aking pinakamamahal na ama. Hindi na nya ako nagawang samahan sa dulo ng aking pagkatuto. Subalit ang kanyang kakayahan na ilayo ako sa kamangmangan at itawid sa kaalaman ay patunay lamang na isa syang mapagpalang ama at ihemplo sa aking buhay. At ang aking naging mga guro ang syang tunay na pangalawa kong mga magulang na tumulong hubugin ang aking pagkatao.
Sa Piling ni Ninong
Sa banda duon, mga ilang hakbang mula sa aming bahay nakatira ang ninong ko, kapatid sya ng tatay ko. Kwentista sya sa komiks (aliwan, topstar, atbp) patnugot ng Golden Memories. Tawag sa kanya ng mga kapatid nya ‘Gorio’ at sa iba naman ay ‘Tito Greg’, sa mundo ng komiks ay ‘Greg Igna De Dios. Simple lang ang namulatan kong buhay ng Ninong ko, sa isang maliit na kubo lang sya nakatira sa gitna ng isang malaking lote, na napapalibutan ng iba’t-ibang punong kahoy,gulay, halaman at mga bulaklak. Sa likuran ng kanyang bahay ay may “man made” na palaisdaan at sa bandang gilid ng kanyang kubo ay may kamalig at sa kabilang gilid ay kakawayanan. Matandang binata ang ninong ko, istrikto. May kanipisan ang buhok nya, sarat ang ilong, bilog ang mukha, mataas (may hawig sya kay Mike Enriquez). Lagi lang syang naka sando, naka short at naka bakya.Natatandaan ko pa lagi naming ulam sa bahay nya ay ang isdang sap-sap, matunog na matunog ang paghigop nya sa sabaw ng sinampalukang sap-sap. Pagkatapos nun maglalakad-lakad sya sa tarangkahan ng kanyang kubo at kung may nagawing kapit bahay ay makikipag huntahan sya. Pagbalik nya sa Kubo derecho na sya sa kanyang makinilya at mag titipa na ng mga kwentong naisip nya sa paglalakad o pakikipag huntahan sa kapitbahay. Bawal ang maingay habang nagtitipa sya ng kwento at tanging lagislis lang ng kawayan at huni ng ibon ang madidinig. Pero para sa akin masarap sa aking pandinig ang lagatok ng kanyang makinilya dahil pagkatapos nun agad ko nang mababasa ang pagpapatuloy ng kuwento nya sa Komiks. Nung mga panahon na iyon napakasimple lang ng buhay. Ang bakuran ng ninong ko ang aming kanlungan. Naglalaro kami ng SYATO nila Mina, Mel, at Sonny.(sila ang mga kababata ko at laging kalaro sa bakuran ng ninong ko) SYATO ang tawag sa laro na may dalawang pirasong kahoy, na yung isa ay maiksi at yung isa ay mahaba. Yung mahaba ang pamalo at yung maiksi ang papaluin. Kapag napalo mo ng dalawa o higit pa yung mallit na kaputol ng kahoy matapos mong ihagis pataas at malayo ang napuntahang agwat nito mas malaki ang magiging puntos mo. Mahilig kaming maglaro ni Mel (Ismael Carlos) ng SYATO at maglaro ng teleponong Lata. Kumukuha sya ng dalawang lata ng Alaska na maliit, tinatanggal nya yung takip sa isang dulo at binubutasan nya ng pako yung kabilang dulo at lalagyan ng pisi na mahaba ang parehong lata at yun nag uusap kami sa magkabilang linya ng lata. Si Mina (Carmina Carlos) kalaro namin sya pag duktor duktoran ang gusto naming laro, mahilig syang manggamot . Gusto nya ang mga laro tulad ng bahay- bahayan, tinda- tindahanan, at minsan ginagaya namin ang napapanood namin sa telebisyon sa Batibot. Si Sonny(Lee Carlos) ang taga gawa ng mga bahay- bahayan namin gamit ang mga piraso ng kahoy malapit sa kakawayanan. Gumagawa din sya ng mga candy na gawa sa mga sanga ng bayabas, at taga gatong ng apoy sa laruang palayok. Masaya kami sa bakuran na iyon, nagagawa naming lahat ng imahinasyon na dala ng kabataan. Taguan, Piko, Tumbang Preso, Babaran, Pamimingwit ng isda, Panghuhuli ng butete, Palaka,Ibon, Paggawa ng laruan gamit ang putik, Pag akyat at paglambitin sa mga sanga ng puno, Mamitas ng bayabas, duhat, mangga, kaimito at marami pang iba. Para sa amin isang malaking palaruan at santuaryo ang bakuran ng ninong ko. Kinanlong ng bakuran na iyon ang aming kabataan, inilayo sa disgrasya at kapahamakan. Duon umusbong ang mga pangarap ng tatlong magkakapatid na hindi naging hadlang ang kanilang kahirapan para hindi ito makamit. Ngayon Si Mel ay isa ng Electronics and Communications Engineer at kasalukuyang nagtatrabaho sa Sony Ericsson sa Amerika, Si Mina ay isa ng Registered Nurse at nagtatrabaho na din sa Amerika bilang Nurse at may sarili ng pamilya, at Si Sonny ay isa ng Architect at may sarili ng Architectural Business . Ang kasimplehan ng pamumuhay ng ninong ko, ng kanyang bakuran ay naging instrumento ng isang makabuluhan at maayos na pamumuhay para sa aming lahat. Tunay na malaki ang naitutulong ng kapaligiran tungo sa mapayapa at matagumpay na pamumuhay. Sa mga kababata ko at kaibigang sila Mel, Mina at Sonny, isa kayong ehemplo ng pagsisikap at pagtatagumpay!
Itutuloy…
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment